Mateo 27:42-49 Ang Salita ng Dios (ASND)

42. “Iniligtas niya ang iba, pero hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Hindi baʼt siya ang Hari ng Israel? Kung bababa siya sa krus, maniniwala na kami sa kanya.

43. Nagtitiwala siya sa Dios at sinasabi niyang siya ang Anak ng Dios. Ngayon, tingnan natin kung talagang ililigtas siya ng Dios!”

44. Maging ang mga tulisang ipinakong kasama niya ay nang-insulto rin sa kanya.

45. Nang mag-alas dose na ng tanghali, dumilim ang buong lupain sa loob ng tatlong oras.

46. Nang mag-alas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus nang malakas, “Eloi, Eloi, lema sabachtani?” na ang ibig sabihin ay “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?”

47. Nang marinig iyon ng mga nakatayo roon, sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias.”

48. Agad namang tumakbo ang isang tao at kumuha ng espongha at isinawsaw sa maasim na alak. Ikinabit niya ito sa dulo ng isang patpat at idinampi sa bibig ni Jesus upang sipsipin niya.

49. Pero sinabi naman ng iba, “Hayaan mo siya. Tingnan natin kung darating nga si Elias para iligtas siya.”

Mateo 27