Mateo 27:26-34 Ang Salita ng Dios (ASND)

26. Pagkatapos, pinalaya ni Pilato si Barabas. Pero si Jesus ay ipinahagupit niya at saka ibinigay sa mga sundalo upang ipako sa krus.

27. Dinala ng mga sundalo si Jesus sa loob ng palasyo ng gobernador, at nagtipon ang buong batalyon ng mga sundalo sa paligid niya.

28. Hinubaran nila siya at sinuotan ng pulang kapa.

29. Gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong sa kanya, at ipinahawak ang tungkod sa kanyang kanang kamay bilang setro niya. Lumuhod sila sa harap niya at pakutyang sinabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!”

30. Dinuraan nila si Jesus at kinuha ang tungkod sa kanyang kamay at paulit-ulit nilang inihampas sa kanyang ulo.

31. Matapos nilang kutyain si Jesus, hinubad nila sa kanya ang kapa at isinuot muli sa kanya ang damit niya. Pagkatapos, dinala nila siya sa labas ng lungsod upang ipako sa krus.

32. Nang nasa labas na sila ng lungsod, nakita nila ang isang lalaking taga-Cyrene na ang pangalan ay Simon. Sapilitan nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus.

33. Pagdating nila sa lugar na tinatawag na Golgota, na ang ibig sabihin ay “lugar ng bungo,”

34. pinainom nila si Jesus ng alak na hinaluan ng apdo, pero nang matikman ito ni Jesus ay hindi niya ininom.

Mateo 27