63. Hindi sumagot si Jesus. Kaya tinanong siyang muli ng punong pari, “Sa ngalan ng buhay na Dios, sabihin mo sa amin ngayon: Ikaw ba ang Cristo na Anak ng Dios?”
64. Sumagot si Jesus, “Ikaw na mismo ang nagsabi. At nais kong sabihin sa inyong lahat na mula ngayon ay makikita ninyo ako na Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng makapangyarihan na Dios. At makikita rin ninyo ako na dumarating mula sa ulap dito sa mundo.”
65. Nang marinig iyon ng punong pari, pinunit niya ang kanyang damit sa galit at sinabi, “Nilalapastangan niya ang Dios! Kailangan pa ba natin ng mga saksi? Narinig ninyo ang paglapastangan niya sa Dios!
66. Ano ngayon ang hatol ninyo?” Sumagot sila, “Dapat siyang mamatay.”
67. Dinuraan nila si Jesus sa mukha at binugbog. Sinampal naman siya ng iba,
68. at sinabi, “Kung ikaw ang Cristo, hulaan mo nga kung sino ang sumampal sa iyo!”
69. Samantala, habang nakaupo si Pedro sa loob ng bakuran, nilapitan siya ng isang utusang babae ng punong pari at sinabi, “Kasama ka ni Jesus na taga-Galilea, hindi ba?”
70. Pero itinanggi ito ni Pedro sa harap ng mga tao. Sinabi niya, “Hindi ko alam ang mga sinasabi mo.”
71. Kaya pumunta si Pedro sa may labasan, at isa pang utusang babae ang nakakita sa kanya at sinabi sa mga tao roon, “Ang taong iyan ay kasama ni Jesus na taga-Nazaret.”
72. Muli itong itinanggi ni Pedro at sinabi, “Sumpa man, hindi ko kilala ang taong iyan!”
73. Maya-maya, nilapitan si Pedro ng iba pang naroon at sinabi, “Isa ka nga sa mga kasamahan ni Jesus, dahil halata sa pagsasalita mo.”
74. Sumagot si Pedro, “Sumpa man at mamatay man ako! Hindi ko kilala ang taong iyan!” Noon din ay tumilaok ang manok,
75. at naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” Kaya lumabas si Pedro at humagulgol.