55. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tao, “Isa ba akong tulisan? Bakit kailangan pa ninyong magdala ng mga espada at mga pamalo upang dakpin ako? Araw-araw akong nasa templo at nagtuturo. Bakit hindi ninyo ako dinakip?
56. Ngunit nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang isinulat ng mga propeta.” Iniwan siya noon din ng mga tagasunod niya at nagsitakas sila.
57. Dinala si Jesus ng mga dumakip sa kanya sa bahay ng punong pari na si Caifas. Doon ay nagkakatipon ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga pinuno ng mga Judio.
58. Sumunod din si Pedro roon, pero malayu-layo siya kay Jesus. Pumasok siya sa bakuran ng punong pari at nakiupo sa mga guwardya upang malaman kung ano ang mangyayari kay Jesus.
59. Doon sa loob, ang mga namamahalang pari at ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio ay nagsisikap na makakuha ng mga ebidensya laban kay Jesus upang mahatulan siya ng kamatayan.
60. Pero wala silang nakuha, kahit marami pa ang lumapit at sumaksi ng kasinungalingan. Nang bandang huli, may dalawang lalaking lumapit
61. at nagsabi, “Sinabi ng taong ito na kaya niyang gibain ang templo ng Dios at sa loob ng tatlong araw ay itatayo niya itong muli.”
62. Tumayo ang punong pari at tinanong si Jesus, “Wala ka bang maisasagot sa mga paratang na iyan laban sa iyo?”
63. Hindi sumagot si Jesus. Kaya tinanong siyang muli ng punong pari, “Sa ngalan ng buhay na Dios, sabihin mo sa amin ngayon: Ikaw ba ang Cristo na Anak ng Dios?”
64. Sumagot si Jesus, “Ikaw na mismo ang nagsabi. At nais kong sabihin sa inyong lahat na mula ngayon ay makikita ninyo ako na Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng makapangyarihan na Dios. At makikita rin ninyo ako na dumarating mula sa ulap dito sa mundo.”
65. Nang marinig iyon ng punong pari, pinunit niya ang kanyang damit sa galit at sinabi, “Nilalapastangan niya ang Dios! Kailangan pa ba natin ng mga saksi? Narinig ninyo ang paglapastangan niya sa Dios!
66. Ano ngayon ang hatol ninyo?” Sumagot sila, “Dapat siyang mamatay.”
67. Dinuraan nila si Jesus sa mukha at binugbog. Sinampal naman siya ng iba,
68. at sinabi, “Kung ikaw ang Cristo, hulaan mo nga kung sino ang sumampal sa iyo!”
69. Samantala, habang nakaupo si Pedro sa loob ng bakuran, nilapitan siya ng isang utusang babae ng punong pari at sinabi, “Kasama ka ni Jesus na taga-Galilea, hindi ba?”
70. Pero itinanggi ito ni Pedro sa harap ng mga tao. Sinabi niya, “Hindi ko alam ang mga sinasabi mo.”
71. Kaya pumunta si Pedro sa may labasan, at isa pang utusang babae ang nakakita sa kanya at sinabi sa mga tao roon, “Ang taong iyan ay kasama ni Jesus na taga-Nazaret.”
72. Muli itong itinanggi ni Pedro at sinabi, “Sumpa man, hindi ko kilala ang taong iyan!”