Mateo 26:40-45 Ang Salita ng Dios (ASND)

40. Binalikan ni Jesus ang tatlo niyang tagasunod at dinatnan niya silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Hindi ba talaga kayo makapagpuyat na kasama ko kahit isang oras lang?

41. Magpuyat kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso. Ang espirituʼy handang sumunod, ngunit mahina ang laman.”

42. Lumayong muli si Jesus at nanalangin, “Ama ko, kung kinakailangang daanan ko ang paghihirap na ito, nawaʼy mangyari ang kalooban ninyo.”

43. Pagkatapos, muli niyang binalikan ang mga tagasunod niya at nadatnan na naman niya silang natutulog, dahil antok na antok na sila.

44. Lumayo ulit si Jesus sa ikatlong pagkakataon at nanalangin tulad ng nauna niyang panalangin.

45. Binalikan niya ang mga tagasunod niya at sinabi, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tingnan ninyo! Dumating na ang oras na ako na Anak ng Tao ay ibibigay sa mga makasalanan.

Mateo 26