1. Pagkatapos ipangaral ni Jesus ang lahat ng ito, sinabi niya sa mga tagasunod niya,
2. “Alam nʼyo na dalawang araw na lang at sasapit na ang Pista ng Paglampas ng Anghel, at ako na Anak ng Tao ay ibibigay sa mga taong kumokontra sa akin upang ipako sa krus.”
3. Nang mga oras na iyon, ang mga namamahalang pari at ang mga pinuno ng mga Judio ay nagpupulong sa palasyo ni Caifas na punong pari.
4. Pinagplanuhan nila kung paano dadakpin si Jesus nang hindi nalalaman ng mga tao, at pagkatapos ay ipapapatay.
5. Sinabi nila, “Huwag nating gawin sa pista dahil baka magkagulo ang mga tao.”
6. Nang si Jesus ay nasa Betania, sa bahay ni Simon na dating may malubhang sakit sa balat,
7. lumapit sa kanya ang isang babae. May dala itong mamahaling pabango sa isang sisidlang yari sa batong alabastro. At habang kumakain si Jesus, ibinuhos ng babae ang pabango sa ulo ni Jesus.