Mateo 24:1-11 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Lumabas si Jesus sa templo, at habang naglalakad, nilapitan siya ng mga tagasunod niya at itinuro sa kanya ang mga gusali ng templo.

2. Sinabi ni Jesus, “Tingnan ninyo ang lahat ng iyan. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, magigiba ang lahat ng iyan at walang maiiwang magkapatong na bato.”

3. Habang nakaupo si Jesus sa isang lugar sa Bundok ng mga Olibo, lumapit sa kanya ang mga tagasunod niya at nakipag-usap nang sarilinan. Sinabi nila, “Sabihin nʼyo po sa amin kung kailan mangyayari ang sinabi nʼyo? At ano po ang mga palatandaan ng muli nʼyong pagparito at ng katapusan ng mundo?”

4. Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo madaya ninuman.

5. Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan at sasabihing sila ang Cristo, at marami ang kanilang ililigaw.

6. Makakarinig kayo ng mga digmaang malapit sa inyo, at mababalitaan ninyo na may mga digmaan din sa malayo. Ngunit huwag kayong matakot. Kinakailangang mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa ito ang katapusan.

7. Sapagkat magdidigmaan ang mga bansa at mga kaharian. Magkakaroon ng taggutom at paglindol sa ibaʼt ibang lugar.

8. Ang lahat ng itoʼy pasimula pa lang ng mga paghihirap na darating.

9. “Sa panahong iyon, kamumuhian kayo dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Dadakpin kayo upang parusahan at patayin.

10. Marami ang tatalikod sa kanilang pananampalataya. Kapopootan at ipapahuli nila ang kapwa nila mananampalataya.

11. Lilitaw ang maraming huwad na propeta at marami ang maililigaw nila.

Mateo 24