13. Kaya sinabi ng hari sa kanyang mga utusan, ‘Talian ninyo ang mga kamay at paa niya at itapon sa dilim, doon sa labas. Doon ay iiyak siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’ ”
14. Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Marami ang tinatawag ng Dios na mapabilang sa kanyang kaharian, ngunit kakaunti ang pinili.”
15. Umalis ang mga Pariseo at nagplano kung paano nila mahuhuli si Jesus sa kanyang mga pananalita.
16. Kaya pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa kanilang mga kasamahan at ang ilan sa mga tauhan ni Herodes. Sinabi ng mga ito, “Guro, alam po namin na totoo ang mga sinasabi ninyo. Itinuturo nʼyo ang katotohanan tungkol sa kalooban ng Dios. Wala kayong pinapaboran, dahil hindi kayo tumitingin sa katayuan ng tao.
17. Ano sa palagay nʼyo? Tama po ba na tayong mga Judio ay magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma o hindi?”
18. Pero alam ni Jesus ang masama nilang balak, kaya sinabi niya, “Mga pakitang-tao! Bakit ninyo ako sinusubukang hulihin sa tanong na iyan?
19. Patingin nga ng perang ipinambabayad ng buwis.” Iniabot nila sa kanya ang pera.
20. Tinanong sila ni Jesus, “Kaninong mukha at pangalan ang nakaukit sa pera?”
21. Sumagot sila, “Sa Emperador.” Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ganoon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Dios ang para sa Dios.”
22. Namangha sila nang marinig ang sagot ni Jesus, kaya iniwan nila siya.
23. Nang araw ding iyon, lumapit at nagtanong kay Jesus ang ilang mga Saduceo – mga taong hindi naniniwala sa muling pagkabuhay.
24. Sinabi nila, “Guro, sinabi ni Moises na kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak sa asawa niya, dapat pakasalan ng kanyang kapatid ang naiwan niyang asawa para magkaanak sila para sa kanya.
25. Noon ay may pitong magkakapatid na lalaki rito sa amin. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. Kaya ang biyuda ay napangasawa ng ikalawang kapatid.