Mateo 21:12-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

12. Pumunta si Jesus sa templo at itinaboy niya ang mga nagtitinda at namimili roon. Itinaob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapating inihahandog sa templo.

13. Sinabi niya sa kanila, “Sinasabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Ang bahay ko ay bahay-panalanginan.’ Pero ginawa ninyong pugad ng mga tulisan!”

14. May mga bulag at pilay na lumapit kay Jesus doon sa templo, at pinagaling niya silang lahat.

15. Nagalit ang mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan nang makita nila ang mga himalang ginawa ni Jesus, at nang marinig nila ang mga batang sumisigaw doon sa templo ng “Purihin ang Anak ni David!”

16. Sinabi nila kay Jesus, “Naririnig mo ba ang sinasabi nila?” Sumagot si Jesus, “Oo. Hindi ba ninyo nabasa ang sinabi sa Kasulatan na kahit ang maliliit na bata ay tinuruan ng Dios na magpuri sa kanya?”

17. Pagkatapos, iniwan sila ni Jesus. Lumabas siya ng lungsod at nagpunta sa Betania, at doon siya nagpalipas ng gabi.

18. Kinaumagahan, nang pabalik na sina Jesus sa lungsod ng Jerusalem, nagutom siya.

19. May nakita siyang puno ng igos sa tabi ng daan, kaya nilapitan niya ito. Pero wala siyang nakitang bunga kundi puro mga dahon. Kaya sinabi niya sa puno, “Hindi ka na mamumunga pang muli!” At agad na natuyo ang puno.

20. Namangha ang mga tagasunod ni Jesus nang makita nila iyon. Sinabi nila, “Paanong natuyo kaagad ang puno?”

21. Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung may pananampalataya kayo at walang pag-aalinlangan, magagawa rin ninyo ang ginawa ko sa puno ng igos. At hindi lang iyan, maaari rin ninyong sabihin sa bundok, ‘Lumipat ka sa dagat!’ at lilipat nga ito.

22. Anumang hilingin ninyo sa Dios sa panalangin ay matatanggap ninyo kung sumasampalataya kayo.”

23. Bumalik sa templo si Jesus, at habang nagtuturo siya, nilapitan siya ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio at tinanong, “Ano ang awtoridad mong gumawa ng mga bagay na ginagawa mo? Sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na iyan?”

Mateo 21