Mateo 19:11-19 Ang Salita ng Dios (ASND)

11. Sumagot si Jesus, “Hindi matatanggap ng lahat ang turong ito, maliban na lang sa mga taong pinagkalooban nito.

12. May ibaʼt ibang dahilan kung bakit ang ilan ay hindi nag-aasawa. May iba na ipinanganak na sadyang baog. Ang ibaʼy hindi makakapag-asawa dahil sinadyang kapunin. At may iba naman ay ayaw mag-asawa dahil sa pagpapahalaga nila sa kaharian ng Dios. Kung kaya ng sinuman na hindi mag-asawa, huwag na siyang mag-asawa.”

13. May mga taong nagdala ng maliliit na bata kay Jesus upang ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay at ipanalangin. Pero sinaway sila ng mga tagasunod ni Jesus.

14. Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ay kabilang sa kaharian ng Dios.”

15. Ipinatong nga niya ang kanyang kamay sa mga bata at pinagpala niya sila, at pagkatapos nito ay umalis siya.

16. May isang lalaki naman na lumapit kay Jesus at nagtanong, “Guro, ano po ba ang mabuti kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?”

17. Sumagot si Jesus, “Bakit itinatanong mo sa akin kung ano ang mabuti? Isa lang ang mabuti, at walang iba kundi ang Dios. Kung gusto mong magkaroon ng buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos.”

18. “Alin po sa mga ito?” tanong ng lalaki. Sumagot si Jesus, “Huwag kang papatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi ng kasinungalingan,

19. igalang mo ang iyong ama at ina, at mahalin mo ang kapwa mo tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.”

Mateo 19