12. “Ano sa palagay ninyo ang gagawin ng taong may 100 tupa kung mawala ang isa? Hindi baʼt iiwan niya ang 99 sa burol at hahanapin ang nawawala?
13. At kapag nakita na niya ang nawalang tupa, mas matutuwa pa siya rito kaysa sa 99 na hindi nawala.
14. Ganito rin naman ang nararamdaman ng inyong Amang nasa langit. Ayaw niyang mawala ang kahit isa sa maliliit na batang ito.”
15. “Kung magkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan. Pagsabihan mo siya tungkol sa ginawa niya. Kung makikinig siya sa iyo, magkakaayos kayong muli at mapapanumbalik mo siya sa Dios.
16. Pero kung ayaw niyang makinig sa iyo, magsama ka ng isa o dalawa pang kapatid sa pananampalataya ‘para ang lahat ng pag-uusapan ninyo ay mapapatotohanan ng dalawa o tatlong saksi,’ ayon sa Kasulatan.
17. Kung ayaw niyang makinig sa kanila, ipaalam ito sa iglesya, at kung pati sa iglesya ay ayaw niyang makinig, ituring ninyo siya bilang isang taong hindi kumikilala sa Dios o isang maniningil ng buwis.”
18. “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, anuman ang ipagbawal ninyo sa lupa ay ipagbabawal din sa langit, at anuman ang ipahintulot ninyo sa lupa ay ipapahintulot din sa langit.
19. “Sinasabi ko rin sa inyo na kung magkasundo ang dalawa sa inyo rito sa mundo na ipanalangin ang anumang bagay, ipagkakaloob ito ng aking Amang nasa langit.
20. Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, kasama nila ako.”
21. Lumapit si Pedro kay Jesus at nagtanong, “Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang kapatid na laging nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?”
22. Sumagot si Jesus, “Hindi lang pitong beses kundi 77 beses.
23. Sapagkat ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang hari na nagpatawag sa mga alipin niya para singilin sa kanilang mga utang.
24. Nang simulan na niya ang paniningil, dinala sa kanya ang isang alipin na nagkautang sa kanya ng milyon-milyon.
25. Dahil hindi siya makabayad, iniutos ng hari na ipagbili siya bilang alipin, pati ang kanyang asawaʼt mga anak, at lahat ng ari-arian niya, para mabayaran ang kanyang utang.