1. Nang oras ding iyon, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at nagtanong, “Sino po ba ang pinakadakila sa lahat ng kabilang sa kaharian ng Dios?”
2. Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at pinatayo sa harapan nila, at sinabi,
3. “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung hindi kayo magbago at maging tulad ng maliliit na bata, hindi kayo mapapabilang sa kaharian ng Dios.
4. Ang sinumang nagpapakababa tulad ng batang ito ang siyang pinakadakila sa lahat ng kabilang sa kaharian ng Dios.
5. “At ang sinumang tumatanggap sa batang tulad nito dahil sa akin ay tumatanggap din sa akin.
6. Ngunit ang sinumang magiging dahilan ng pagkakasala ng maliliit na batang ito na sumasampalataya sa akin ay mabuti pang talian sa leeg ng gilingang bato at itapon sa pusod ng dagat.”
7. “Nakakaawa ang mga tao sa mundong ito dahil sa mga bagay na naging dahilan ng kanilang pagkakasala. Kung sabagay, dumarating naman talaga ang mga ito, ngunit mas nakakaawa ang taong nagiging dahilan ng pagkakasala ng kanyang kapwa.