Mateo 16:1-7 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. May mga Pariseo at Saduceo na lumapit kay Jesus para subukin siya. Hiniling nilang magpakita siya ng himala mula sa Dios bilang patunay na sugo siya ng Dios.

2. Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Kapag palubog na ang araw at mapula ang langit, sinasabi ninyo, ‘Magiging maayos ang panahon bukas.’

3. At kapag umaga at makulimlim ang langit, sinasabi ninyo, ‘Uulan ngayon.’ Alam ninyo ang kahulugan ng mga palatandaang nakikita ninyo sa langit, pero bakit hindi ninyo alam ang kahulugan ng mga nangyayari ngayon?

4. Kayong henerasyon ng masasama at hindi tapat sa Dios! Humihingi kayo ng himala, pero walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang katulad ng nangyari kay Jonas.” Pagkatapos, umalis si Jesus.

5. Tumawid ng lawa si Jesus at ang mga tagasunod niya, pero nakalimutan ng mga tagasunod na magbaon ng pagkain.

6. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsa ng mga Pariseo at mga Saduceo.”

7. Nag-usap-usap ang mga tagasunod ni Jesus. Akala nila, kaya niya sinabi iyon ay dahil wala silang dalang tinapay.

Mateo 16