Mateo 14:16-25 Ang Salita ng Dios (ASND)

16. Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi na nila kailangang umalis. Kayo ang magpakain sa kanila.”

17. Sumagot sila, “Mayroon lang po tayong limang tinapay at dalawang isda.”

18. “Dalhin ninyo ang mga ito sa akin,” ang sabi ni Jesus.

19. Inutusan niya ang mga tao na maupo sa damuhan. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda. Tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang tinapay at ibinigay sa mga tagasunod niya, at ibinigay naman nila ito sa mga tao.

20. Kumain silang lahat at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang natirang pagkain, at nakapuno sila ng 12 basket.

21. Ang bilang ng mga lalaking kumain ay mga 5,000, maliban pa sa mga babae at mga bata.

22. Pagkatapos, pinasakay agad ni Jesus sa bangka ang mga tagasunod niya at pinauna sa kabila ng lawa, habang pinapauwi niya ang mga tao.

23. Nang makaalis na ang mga tao, umakyat siyang mag-isa sa isang bundok para manalangin. Inabot na siya roon ng gabi.

24. Nang oras na iyon, malayo na ang bangkang sinasakyan ng mga tagasunod niya. Sinasalpok ng malalaking alon ang bangka nila dahil pasalungat ito sa hangin.

25. Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig.

Mateo 14