34. Gumamit si Jesus ng mga paghahalintulad o mga talinghaga sa lahat ng kanyang pangangaral tungkol sa paghahari ng Dios. Hindi siya nangaral sa mga tao nang hindi sa pamamagitan nito.
35. Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ng Dios sa pamamagitan ng kanyang propeta:“Magsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng paghahalintulad.Sasabihin ko sa kanila ang mga bagay na nalilihim mula pa nang likhain ang mundo.”
36. Pagkatapos, iniwan ni Jesus ang mga tao at pumasok siya sa isang bahay. Nilapitan siya ng mga tagasunod niya at sinabi, “Pakipaliwanag po sa amin ang talinghaga tungkol sa masasamang damo.”
37. Sumagot si Jesus, “Ang naghasik ng mabuting binhi ay walang iba kundi ako na Anak ng Tao.
38. Ang bukid ay ang mundo, at ang mabuting binhi ay ang mga kabilang sa kaharian ng Dios. Ang masasamang damo naman ay ang mga sakop ni Satanas.
39. Si Satanas ang kaaway na nagtanim sa kanila. Ang anihan ay ang katapusan ng mundo, at ang tagapag-ani ay ang mga anghel.
40. Kung paanong binubunot at sinusunog ang masasamang damo, ganoon din ang mangyayari sa katapusan ng mundo.
41. Ako naAnak ng Tao ay magpapadala ng mga anghel, at aalisin nila sa aking kaharian ang lahat ng gumagawa ng kasalanan at nagiging dahilan ng pagkakasala ng iba.
42. Itatapon sila sa nagliliyab na apoy, at dooʼy iiyak sila at magngangalit ang kanilang ngipin.
43. Pero ang matutuwid ay magniningning na parang araw sa kaharian ng kanilang Ama. Kayong mga nakikinig, dapat ninyo itong pag-isipan!”
44. Sinabi pa ni Jesus, “Ang kaharian ng Dios ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nang mahukay ito ng isang tao, itinago niya itong muli. At sa tuwa niyaʼy umuwi siya at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian, at binili niya ang bukid na iyon.”
45. “Ang kaharian ng Dios ay katulad din nito: May isang negosyante na naghahanap ng magagandang perlas.
46. Nang makatagpo siya ng isang mamahaling perlas, ipinagbili niya ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang perlas na iyon.”
47. “Ang kaharian ng Dios ay katulad din ng isang lambat na inihagis ng mga mangingisda sa lawa at nakahuli ng sari-saring isda.
48. Nang mapuno ang lambat, hinila nila ito papunta sa dalampasigan. Pagkatapos, naupo sila para pagbukud-bukurin ang mga isda. Ang mabubuting isda ay inilagay nila sa mga basket, at ang mga walang kwenta ay itinapon nila.
49. Ganyan din ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Darating ang mga anghel at ihihiwalay nila ang masasama sa matutuwid.
50. Itatapon ang masasama sa nagliliyab na apoy, at dooʼy iiyak sila at magngangalit ang kanilang ngipin.”