33. “Nakikilala ang puno sa bunga nito. Kung mabuti ang puno, mabuti rin ang bunga nito. Kung masama ang puno, masama rin ang bunga nito.
34. Mga lahi kayo ng ahas! Paano kayo makakapagsalita ng mabuti gayong masasama kayo? Sapagkat kung ano ang laman ng puso ng isang tao, ito ang lumalabas sa kanyang bibig.
35. Ang mabuting tao ay nagsasalita ng mabuti, dahil puno ng kabutihan ang kanyang puso. Pero ang masamang tao ay nagsasalita ng masama, dahil puno ng kasamaan ang kanyang puso.
36. Tinitiyak ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom, mananagot ang bawat isa sa mga walang kwentang salitang binitiwan niya.
37. Sapagkat ibabatay sa mga salita mo kung paparusahan ka o hindi.”
38. May ilang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na nagsabi kay Jesus, “Guro, pakitaan nʼyo kami ng isang himalang magpapatunay na sugo nga kayo ng Dios.”
39. Sumagot si Jesus, “Kayong henerasyon ng masasama at hindi tapat sa Dios! Humihingi kayo ng himala, pero walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang katulad ng nangyari kay Propeta Jonas.
40. Kung paanong nasa tiyan ng dambuhalang isda si Jonas sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi, ganoon din naman ang mangyayari sa akin na Anak ng Tao. Tatlong araw at tatlong gabi rin ako sa ilalim ng lupa.
41. Sa Araw ng Paghuhukom, tatayo ang mga taga-Nineve at kokondenahin ang henerasyong ito, dahil nagsisi sila nang mangaral sa kanila si Jonas. At ngayon, narito ang higit pa kay Jonas, na nangangaral sa inyo, pero ayaw nʼyong magsisi.
42. Maging ang Reyna ng Timog ay tatayo rin at kokondenahin ang henerasyong ito. Sapagkat nanggaling pa siya sa napakalayong lugar para makinig sa karunungan ni Solomon. At ngayon, narito ang higit pa kay Solomon, pero ayaw ninyong makinig sa kanya.”
43. “Kapag lumabas ang masamang espiritu sa tao, gumagala ito sa mga tuyong lugar upang maghanap ng mapagpapahingahan. At kung wala siyang matagpuan,
44. iisipin na lang niyang bumalik sa kanyang pinanggalingan. At kung sa kanyang pagbabalik ay makita niya itong walang naninirahan, malinis at maayos ang lahat,
45. aalis siya at tatawag ng pito pang espiritu na mas masama kaysa sa kanya. Papasok sila sa taong iyon at doon maninirahan. Kaya lalo pang sasama ang kalagayan ng taong iyon kaysa sa dati. Ganyan din ang mangyayari sa masamang henerasyong ito.”
46. Habang nagsasalita pa si Jesus sa mga tao, dumating ang ina niya at mga kapatid. Naghihintay sila sa labas at gusto nila siyang makausap.
47. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas ang po ang inyong ina at mga kapatid, at gusto kayong makausap.”
48. Sumagot si Jesus, “Sino ang aking ina at mga kapatid?”