1. Tinawag ni Jesus ang kanyang 12 tagasunod at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng anumang sakit at karamdaman.
2. Ito ang mga pangalan ng 12 apostol: si Simon (na kung tawagin ay Pedro), na siyang nangunguna sa kanila, si Andres na kanyang kapatid, si Santiago at si Juan na mga anak ni Zebedee,
3. si Felipe, si Bartolome, si Tomas, si Mateo na maniningil ng buwis, si Santiago na anak ni Alfeus, si Tadeus,
4. si Simon na makabayan, at si Judas Iscariote na siyang nagtraydor kay Jesus nang bandang huli.
5. Sinugo ni Jesus ang 12 tagasunod niya at pinagbilinan, “Huwag kayong pumunta sa mga lugar ng mga hindi Judio o sa alin mang bayan ng mga Samaritano.
6. Sa halip, puntahan ninyo ang mga Israelita na parang mga nawawalang tupa.
7. Ipahayag ninyo sa kanila na malapit na ang paghahari ng Dios.
8. Pagalingin nʼyo ang mga may sakit, buhayin ang mga patay, pagalingin ang mga may malubhang sakit sa balat para maituring silang malinis, at palayasin ang masasamang espiritu. Tinanggap ninyo ang kapangyarihang ito nang walang bayad, kaya ipamahagi rin ninyo nang walang bayad.
9. Huwag kayong magbaon ng pera,
10. o kayaʼy magdala ng bag, damit na pambihis, sandalyas o tungkod. Sapagkat ang manggagawa ay dapat lang na suportahan sa mga pangangailangan niya.
11. “Sa alin mang bayan o nayon na inyong pupuntahan, humanap kayo ng taong malugod kayong tatanggapin sa kanyang bahay, at makituloy kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo.
12. Sa pagpasok ninyo sa tahanang iyon, pagpalain ninyo ang lahat ng nakatira roon.
13. Kung talagang tinatanggap nila kayo, pagpalain ninyo sila. Ngunit kung hindi, huwag nʼyo silang pagpalain.
14. Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang tahanan o bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang babala laban sa kanila.