Marcos 9:25-42 Ang Salita ng Dios (ASND)

25. Nang makita ni Jesus na dumarami ang taong paparating sa kanya, sinaway niya ang masamang espiritu, at sinabi, “Ikaw na espiritung nagpapapipi at nagpapabingi sa batang ito, inuutusan kitang lumabas sa kanya! At huwag ka nang babalik sa kanya!”

26. Sumigaw ang masamang espiritu, pinangisay ang bata, at saka lumabas. Naging parang patay ang bata, kaya sinabi ng karamihan, “Patay na siya!”

27. Pero hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at itinayo, at tumayo ang bata.

28. Nang pumasok na sina Jesus sa bahay na tinutuluyan nila, tinanong siya ng mga tagasunod niya nang sila-sila lang, “Bakit hindi po namin mapalayas ang masamang espiritu?”

29. Sinagot sila ni Jesus, “Ang ganoong uri ng masamang espiritu ay mapapalayas lang sa pamamagitan ng panalangin.”

30. Umalis sila sa lugar na iyon at dumaan sa Galilea. Ayaw ni Jesus na malaman ng mga tao na naroon siya,

31. dahil tinuturuan niya ang mga tagasunod niya. Sinabi niya sa kanila, “Ako na Anak ng Tao ay ibibigay sa kamay ng mga tao na kumokontra sa akin. Papatayin nila ako, ngunit muli akong mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw.”

32. Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabi niya, at natakot naman silang magtanong sa kanya.

33. Dumating sila sa Capernaum. At nang nasa bahay na sila, tinanong sila ni Jesus, “Ano ba ang pinagtatalunan ninyo kanina sa daan?”

34. Hindi sila sumagot, dahil ang pinagtatalunan nila ay kung sino sa kanila ang pinakadakila.

35. Kaya umupo si Jesus at tinawag ang 12 apostol, at sinabi sa kanila, “Ang sinuman sa inyo na gustong maging pinakadakila sa lahat ay dapat magpakababa at maging lingkod ng lahat.”

36. Kumuha si Jesus ng isang maliit na bata at pinatayo sa harapan nila. Pagkatapos, kinalong niya ito at sinabi sa kanila,

37. “Ang sinumang tumatanggap sa batang tulad nito dahil sa akin ay tumatanggap din sa akin. At ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa aking Amang nagsugo sa akin.”

38. Sinabi ni Juan kay Jesus, “Guro, nakakita po kami ng taong nagpapalayas ng masasamang espiritu sa inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan.”

39. Pero sinabi ni Jesus, “Huwag nʼyo siyang pagbawalan, dahil walang sinumang gumagawa ng himala sa aking pangalan ang magsasalita ng masama laban sa akin.

40. Ang hindi laban sa atin ay kakampi natin.

41. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang magbigay sa inyo ng kahit isang basong tubig, dahil kayo ay kay Cristo, ay tiyak na makakatanggap ng gantimpala.”

42. “Ngunit ang sinumang magiging dahilan ng pagkakasala ng maliliit na batang ito na sumasampalataya sa akin ay mabuti pang talian sa leeg ng gilingang bato at itapon sa dagat.

Marcos 9