Marcos 9:22-32 Ang Salita ng Dios (ASND)

22. Madalas siyang itinutumba ng masamang espiritu sa apoy o sa tubig para patayin. Kaya maawa po kayo sa amin; kung may magagawa kayo, tulungan nʼyo po kami!”

23. Sinagot siya ni Jesus, “Bakit mo sinabing kung may magagawa ako? Ang lahat ng bagay ay magagawa ko sa taong sumasampalataya sa akin!”

24. Sumagot agad ang ama ng bata, “Sumasampalataya po ako, pero kulang pa. Dagdagan nʼyo po ang pananampalataya ko!”

25. Nang makita ni Jesus na dumarami ang taong paparating sa kanya, sinaway niya ang masamang espiritu, at sinabi, “Ikaw na espiritung nagpapapipi at nagpapabingi sa batang ito, inuutusan kitang lumabas sa kanya! At huwag ka nang babalik sa kanya!”

26. Sumigaw ang masamang espiritu, pinangisay ang bata, at saka lumabas. Naging parang patay ang bata, kaya sinabi ng karamihan, “Patay na siya!”

27. Pero hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at itinayo, at tumayo ang bata.

28. Nang pumasok na sina Jesus sa bahay na tinutuluyan nila, tinanong siya ng mga tagasunod niya nang sila-sila lang, “Bakit hindi po namin mapalayas ang masamang espiritu?”

29. Sinagot sila ni Jesus, “Ang ganoong uri ng masamang espiritu ay mapapalayas lang sa pamamagitan ng panalangin.”

30. Umalis sila sa lugar na iyon at dumaan sa Galilea. Ayaw ni Jesus na malaman ng mga tao na naroon siya,

31. dahil tinuturuan niya ang mga tagasunod niya. Sinabi niya sa kanila, “Ako na Anak ng Tao ay ibibigay sa kamay ng mga tao na kumokontra sa akin. Papatayin nila ako, ngunit muli akong mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw.”

32. Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabi niya, at natakot naman silang magtanong sa kanya.

Marcos 9