Marcos 7:6-16 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. Sinagot sila ni Jesus, “Tamang-tama ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo na mga pakitang-tao. Ayon sa isinulat niya, sinabi ng Dios na,‘Iginagalang ako ng mga taong ito sa mga labi lang nila,ngunit malayo sa akin ang kanilang mga puso.

7. Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba sa akindahil ang mga itinuturo nila ay mga utos lang ng tao.’

8. Sinusuway ninyo ang utos ng Dios, at ang sinusunod ay mga tradisyon ng tao.”

9. Sinabi pa ni Jesus, “Mahusay kayo sa pagpapawalang-bisa sa mga utos ng Dios para masunod ninyo ang inyong mga tradisyon.

10. Halimbawa na lang, sinabi ni Moises, ‘Igalang ninyo ang inyong mga magulang,’ at ‘Ang lumapastangan sa kanyang mga magulang ay dapat patayin.’

11. Pero itinuturo nʼyo naman na kapag sinabi ng isang anak sa mga magulang niya na ang tulong na ibibigay niya sana sa kanila ay Korban (ang ibig sabihin, nakalaan na sa Dios),

12. hindi na siya obligadong tumulong pa sa kanila.

13. Pinapawalang-halaga ninyo ang utos ng Dios sa pamamagitan ng mga tradisyong minana ninyo sa inyong mga ninuno. At marami pa kayong ginagawa na tulad nito.”

14. Muling tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin at unawain ang sasabihin ko.

15. Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nagpaparumi sa kanya, kundi ang mga lumalabas sa kanya.”

16. [Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan!]

Marcos 7