13. Pinalayas nila ang maraming masamang espiritu at maraming may sakit ang pinahiran nila ng langis at pinagaling.
14. Nabalitaan ni Haring Herodes ang tungkol kay Jesus dahil kilalang-kilala na siya kahit saan. May mga nagsasabi, “Siya ay si Juan na tagapagbautismo na muling nabuhay, kaya nakagagawa siya ng mga himala.”
15. Ang sabi naman ng iba, “Siya ay si Elias.” At may mga nagsasabi rin na siya ay isang propeta na tulad ng mga propeta noong unang panahon.
16. Pero nang mabalitaan ni Herodes ang mga sinabing iyon ng mga tao, sinabi niya, “Muling nabuhay si Juan na pinapugutan ko ng ulo!”
17. Ipinahuli noon ni Herodes si Juan at ipinabilanggo, dahil tinutuligsa ni Juan ang relasyon niya kay Herodias. Si Herodias ay asawa ng kapatid ni Herodes na si Felipe. Pero kinuha siya ni Herodes bilang asawa.
18. Laging sinasabihan ni Juan si Herodes na hindi tama na kunin niya ang asawa ng kanyang kapatid.
19. Kaya nagkimkim ng galit si Herodias kay Juan, at gusto niya itong ipapatay. Pero hindi niya magawa, dahil ayaw pumayag ni Herodes.
20. Takot si Herodes kay Juan dahil alam niyang matuwid at mabuting tao si Juan. Kaya ipinagtatanggol niya ito. Kahit nababagabag siya sa mga sinasabi ni Juan, gustong-gusto pa rin niyang makinig dito.
21. Pero sa wakas ay dumating din ang pagkakataong hinihintay ni Herodias. Kaarawan noon ni Herodes at nagdaos siya ng malaking handaan. Inimbita niya ang mga opisyal ng Galilea, mga kumander ng mga sundalong Romano at iba pang mga kilalang tao roon.
22. Nang oras na ng kasiyahan, pumasok ang anak na babae ni Herodias at nagsayaw. Labis na nasiyahan si Herodes at ang mga bisita niya. Kaya sinabi ni Herodes sa dalaga, “Humingi ka sa akin ng kahit anong gusto mo at ibibigay ko.”
23. At sumumpa pa siya na ibibigay niya sa dalaga kahit ang kalahati pa ng kanyang kaharian.