32. Pero patuloy siyang tumingin sa paligid para makita kung sino ang humipo sa kanya.
33. Alam ng babae kung ano ang nangyari sa kanya, kaya lumapit siyang nanginginig sa takot at lumuhod sa harap ni Jesus. Ipinagtapat niya ang katotohanan kay Jesus.
34. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa. Magaling ka na.”
35. Habang kausap pa ni Jesus ang babae, dumating ang ilang tao mula sa bahay ni Jairus. Sinabi nila kay Jairus, “Patay na po ang anak ninyo. Huwag nʼyo nang abalahin ang guro.”
36. Pero hindi pinansin ni Jesus ang sinabi nila. Sa halip, sinabi niya kay Jairus, “Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang.”
37. Hindi pinayagan ni Jesus ang mga tao na sumama sa kanya sa bahay ni Jairus. Sa halip, si Pedro at ang magkapatid na sina Santiago at Juan lang ang isinama niya.
38. Pagdating nila roon, nakita ni Jesus na nagkakagulo ang mga tao. May mga umiiyak at may mga humahagulgol.
39. Pumasok siya sa bahay at sinabi niya sa mga tao, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata kundi natutulog lang!”
40. Pinagtawanan siya ng mga tao. Kaya pinalabas niya silang lahat maliban sa amaʼt ina ng bata at sa tatlo niyang tagasunod. Pagkatapos, pumasok sila sa kwartong kinaroroonan ng bata.
41. Hinawakan niya sa kamay ang bata at sinabi, “Talitha koum,” na ang ibig sabihin ay “Nene, bumangon ka.”
42. Bumangon naman agad ang bata at nagpalakad-lakad. (12 taon na noon ang bata.) Labis ang pagkamangha ng mga tao sa nangyari.
43. Pero mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag ipagsabi kahit kanino ang nangyari. Pagkatapos, sinabihan sila ni Jesus na bigyan ng makakain ang bata.