Marcos 5:18-30 Ang Salita ng Dios (ASND)

18. Nang sumasakay na si Jesus sa bangka, nakiusap sa kanya ang lalaking gumaling na isama siya.

19. Pero hindi pumayag si Jesus. Sa halip, sinabi niya sa lalaki, “Umuwi ka sa pamilya mo at sabihin mo sa kanila ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon at kung paano ka niya kinaawaan.”

20. Kaya umalis ang lalaki at ipinamalita sa Decapolis, ang ginawa sa kanya ni Jesus. At namangha ang lahat ng nakarinig tungkol sa nangyari.

21. Nang bumalik si Jesus sa kabila ng lawa, napakaraming tao ang nagtipon doon sa kanya.

22. Pumunta rin doon si Jairus na namumuno sa sambahan ng mga Judio. Pagkakita niya kay Jesus, lumuhod siya sa paanan nito

23. at nagmakaawa, “Agaw-buhay po ang anak kong dalagita. Kung pwede po sana, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo ang inyong kamay sa kanya, para gumaling siya at mabuhay!”

24. Sumama sa kanya si Jesus, at sinundan siya ng napakaraming tao na nagsisiksikan sa kanya.

25. May isang babae roon na 12 taon nang dinudugo.

26. Maraming hirap ang dinanas niya sa kabila ng pagpapagamot sa ibaʼt ibang doktor. Naubos na niya ang lahat ng ari-arian niya sa pagpapagamot, pero sa halip na gumaling ay lalo pang lumala ang kanyang sakit.

27. Nabalitaan niya ang mga himalang ginagawa ni Jesus, kaya nakipagsiksikan siya sa mga tao upang mahipo man lang ang damit ni Jesus.

28. Naisip kasi ng babae, “Mahipo ko lang ang damit niya ay gagaling ako.”

29. Nang mahipo nga niya ang damit ni Jesus, biglang tumigil ang kanyang pagdurugo at naramdaman niyang magaling na siya.

30. Agad namang naramdaman ni Jesus na may kapangyarihan na lumabas sa kanya, kaya lumingon siya at nagtanong, “Sino ang humipo sa damit ko?”

Marcos 5