9. Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan.”
10. Nang nakauwi na ang mga tao, tinanong siya ng 12 apostol at ng iba pang mga tagasunod niya kung ano ang kahulugan ng talinghagang iyon.
11. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Dios, ngunit sa iba ay ipinapahayag ito sa pamamagitan ng talinghaga,
12. upang matupad ang nakasulat sa Kasulatan,‘Tumingin man sila nang tumingin, hindi sila makakakita.Makinig man sila nang makinig, hindi sila makakaunawa.Dahil kung makakaunawa sila, magsisisi sila sa kanilang kasalanan at patatawarin sila ng Dios.’”
13. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung hindi ninyo nauunawaan ang talinghaga na ito, paano ninyo mauunawaan ang iba ko pang mga talinghaga?
14. Ang inihahasik ng manghahasik ay ang salita ng Dios.
15. Ang tabi ng daan, kung saan nahulog ang ilang binhi ay ang mga taong nakinig sa salita ng Dios. Ngunit dumating agad si Satanas at inagaw ang salita ng Dios na narinig nila.
16. Ang mabatong lugar, kung saan nahulog ang ibang binhi, ay ang mga taong nakinig sa salita ng Dios at masaya itong tinanggap kaagad.
17. Ngunit hindi taimtim sa puso ang pagtanggap nila, kaya hindi tumatagal ang kanilang pananampalataya. Pagdating ng kahirapan o pag-uusig dahil sa salita ng Dios na tinanggap nila, tumatalikod sila kaagad sa kanilang pananampalataya.
18. Ang lupang may matitinik na damo, kung saan nahulog ang iba pang binhi ay ang mga taong nakinig sa salita ng Dios.
19. Ngunit dahil sa mga alalahanin dito sa mundo, paghahangad na yumaman, at paghahabol sa marami pang mga bagay, nakakalimutan nila ang salita ng Dios, kaya hindi namumunga ang salita sa kanilang buhay.
20. Ngunit ang mabuting lupa na hinasikan ng binhi ay ang mga taong nakikinig ng salita ng Dios at tumanggap nito. Kaya namumunga ito sa kanilang buhay. Ang ibaʼy katamtaman lang ang bunga; ang ibaʼy marami, at ang iba namaʼy napakarami.”
21. Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Walang taong nagsindi ng ilaw at pagkatapos ay tatakpan ng takalan o ilalagay sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay ang ilaw sa patungan.
22. Ganoon din naman, walang nakatagong hindi malalantad, at walang lihim na hindi mabubunyag.
23. Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan.”
24. Sinabi pa niya, “Makinig kayong mabuti sa sinasabi ko. Bibigyan kayo ng Dios ng pang-unawa ayon sa inyong pakikinig, at dadagdagan pa niya ito.