Marcos 4:13-30 Ang Salita ng Dios (ASND)

13. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung hindi ninyo nauunawaan ang talinghaga na ito, paano ninyo mauunawaan ang iba ko pang mga talinghaga?

14. Ang inihahasik ng manghahasik ay ang salita ng Dios.

15. Ang tabi ng daan, kung saan nahulog ang ilang binhi ay ang mga taong nakinig sa salita ng Dios. Ngunit dumating agad si Satanas at inagaw ang salita ng Dios na narinig nila.

16. Ang mabatong lugar, kung saan nahulog ang ibang binhi, ay ang mga taong nakinig sa salita ng Dios at masaya itong tinanggap kaagad.

17. Ngunit hindi taimtim sa puso ang pagtanggap nila, kaya hindi tumatagal ang kanilang pananampalataya. Pagdating ng kahirapan o pag-uusig dahil sa salita ng Dios na tinanggap nila, tumatalikod sila kaagad sa kanilang pananampalataya.

18. Ang lupang may matitinik na damo, kung saan nahulog ang iba pang binhi ay ang mga taong nakinig sa salita ng Dios.

19. Ngunit dahil sa mga alalahanin dito sa mundo, paghahangad na yumaman, at paghahabol sa marami pang mga bagay, nakakalimutan nila ang salita ng Dios, kaya hindi namumunga ang salita sa kanilang buhay.

20. Ngunit ang mabuting lupa na hinasikan ng binhi ay ang mga taong nakikinig ng salita ng Dios at tumanggap nito. Kaya namumunga ito sa kanilang buhay. Ang ibaʼy katamtaman lang ang bunga; ang ibaʼy marami, at ang iba namaʼy napakarami.”

21. Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Walang taong nagsindi ng ilaw at pagkatapos ay tatakpan ng takalan o ilalagay sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay ang ilaw sa patungan.

22. Ganoon din naman, walang nakatagong hindi malalantad, at walang lihim na hindi mabubunyag.

23. Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan.”

24. Sinabi pa niya, “Makinig kayong mabuti sa sinasabi ko. Bibigyan kayo ng Dios ng pang-unawa ayon sa inyong pakikinig, at dadagdagan pa niya ito.

25. Sapagkat ang taong sumusunod sa narinig niyang katotohanan ay bibigyan pa ng pang-unawa. Ngunit ang taong hindi sumusunod sa katotohanan, kahit ang kaunti niyang naunawaan ay kukunin pa sa kanya.”

26. Sinabi pa ni Jesus, “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang taong naghasik ng binhi sa kanyang bukid.

27. Habang nagtatrabaho siya sa araw at natutulog sa gabi, ang mga binhing inihasik niya ay tumutubo at lumalago kahit na hindi niya alam kung paano.

28. Ang lupa ang nagpapatubo at nagpapabunga sa tanim. Sisibol muna ang mga dahon, saka ang uhay, at pagkatapos ay ang mga butil.

29. At kapag hinog na, inaani ito ng may-ari, dahil panahon na para anihin.”

30. Sinabi pa ni Jesus, “Sa ano kaya maitutulad ang paghahari ng Dios? Sa ano ko kaya ito maihahambing?

Marcos 4