11. Kapag nakikita siya ng mga taong sinasaniban ng masamang espiritu, lumuluhod sila sa harap niya at sumisigaw: “Ikaw ang Anak ng Dios!”
12. Pero mahigpit niya silang pinagbawalan na sabihin sa iba kung sino siya.
13. Pagkatapos, umakyat si Jesus sa bundok at tinawag niya ang mga taong nais niyang piliin. At lumapit sila sa kanya.
14. Pumili siya ng 12 [na tinawag niyang mga apostol] upang makasama niya at suguing mangaral.
15. Binigyan niya sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu.
16. [Ito ang 12 apostol na kanyang pinili:] si Simon na tinawag niyang Pedro,
17. sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedee (tinawag niya silang Boanerges na ang ibig sabihin ay mga anak ng kulog),
18. si Andres, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Santiago na anak ni Alfeus, si Tadeus, si Simon na makabayan
19. at si Judas Iscariote na siyang nagtraydor kay Jesus nang bandang huli.
20. Pag-uwi ni Jesus sa bahay na tinutuluyan niya, muling dumating ang napakaraming tao kaya siya at ang mga tagasunod niya ay hindi man lang nagkaroon ng panahon para kumain.
21. Nang mabalitaan ng pamilya ni Jesus ang mga ginagawa niya, siyaʼy sinundo nila, dahil sinasabi ng mga tao na nasisiraan na siya ng bait.
22. May dumating namang mga tagapagturo ng Kautusan galing sa Jerusalem, at sinabi nila, “Sinasaniban siya ni Satanas na pinuno ng masasamang espiritu. At ito ang nagbibigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu.”
23. Kaya tinawag ni Jesus ang mga tao at nagsalita siya sa kanila sa pamamagitan ng paghahalintulad, “Magagawa ba ni Satanas na palayasin ang mga kampon niya?