4. Dahil sa dami ng tao, hindi sila makalapit kay Jesus. Kaya binutasan nila ang bubong sa tapat ni Jesus at saka ibinaba ang paralitikong nakahiga sa kanyang higaan.
5. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, pinatawad na ang iyong mga kasalanan.”
6. Narinig ito ng ilang mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo roon. Sinabi nila sa kanilang sarili,
7. “Bakit siya nagsasalita ng ganyan? Nilalapastangan niya ang Dios! Walang makakapagpatawad ng kasalanan kundi ang Dios lang!”
8. Nalaman agad ni Jesus ang kanilang iniisip, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nag-iisip ng ganyan?
9. Alin ba ang mas madaling sabihin sa paralitiko: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ‘Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad’?
10. Ngayon, papatunayan ko sa inyo sa pamamagitan ng pagpapagaling sa taong ito na ako na Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko,
11. “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi!”
12. Tumayo nga ang paralitiko, agad na binuhat ang kanyang higaan at lumabas habang nakatingin ang lahat. Namangha ang lahat at pinuri nila ang Dios. Sinabi nila, “Ngayon lang kami nakakita ng ganito.”
13. Muling pumunta si Jesus sa tabi ng lawa ng Galilea. Maraming tao ang pumunta roon sa kanya, at tinuruan niya ang mga ito.
14. Habang naglalakad siya, nakita niya ang maniningil ng buwis na si Levi na anak ni Alfeus. Nakaupo siya sa lugar na pinagbabayaran ng buwis. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman si Levi at sumunod kay Jesus.
15. Habang kumakain si Jesus at ang mga tagasunod niya sa bahay ni Levi, maraming maniningil ng buwis at iba pang mga itinuturing na makasalanan ang kasama nilang kumakain, dahil marami sa kanila ang sumusunod kay Jesus.
16. May mga Pariseong tagapagturo ng Kautusan na naroon. Nang makita nilang kumakain si Jesus kasama ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang mga itinuturing nilang makasalanan, sinabi nila sa mga tagasunod niya, “Bakit kumakain siyang kasama ng mga taong iyan?”
17. Narinig iyon ni Jesus, kaya sinagot niya ang mga ito, “Ang mga taong walang sakit ay hindi nangangailangan ng doktor, kundi ang mga may sakit. Naparito ako hindi upang tawagin ang mga taong matuwid sa kanilang sariling paningin, kundi ang mga makasalanan.”