Marcos 2:21-28 Ang Salita ng Dios (ASND)

21. Sinabi pa ni Jesus, “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit, dahil uurong ang bagong tela kapag nilabhan at lalo pang lalaki ang punit.

22. Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, dahil puputok ang sisidlan at matatapon ang alak, at pareho itong hindi na mapapakinabangan. Sa halip, inilalagay ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat.”

23. Isang Araw ng Pamamahinga, habang dumadaan sina Jesus sa triguhan, nagsimulang mamitas ng trigo ang mga tagasunod niya.

24. Kaya sinabi sa kanya ng mga Pariseo, “Tingnan mo ang mga tagasunod mo! Bakit nila ginagawa ang ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga?”

25. Sinagot sila ni Jesus, “Hindi nʼyo ba nabasa sa Kasulatan ang ginawa ni David at ng mga kasama niya nang magutom sila at walang makain?

26. Pumasok si David sa bahay ng Dios noong si Abiatar ang punong pari. Kinain ni David ang tinapay na inihandog sa Dios, at binigyan pa niya ang mga kasamahan niya, kahit na ayon sa Kautusan, ang mga pari lang ang may karapatang kumain nito.”

27. At sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Ginawa ang Araw ng Pamamahinga para sa ikabubuti ng tao. Hindi ginawa ang tao para sa ikabubuti ng Araw ng Pamamahinga.

28. Kaya ako na Anak ng Tao ang makapagsasabi kung ano ang nararapat gawin sa Araw ng Pamamahinga.”

Marcos 2