14. Habang naglalakad siya, nakita niya ang maniningil ng buwis na si Levi na anak ni Alfeus. Nakaupo siya sa lugar na pinagbabayaran ng buwis. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman si Levi at sumunod kay Jesus.
15. Habang kumakain si Jesus at ang mga tagasunod niya sa bahay ni Levi, maraming maniningil ng buwis at iba pang mga itinuturing na makasalanan ang kasama nilang kumakain, dahil marami sa kanila ang sumusunod kay Jesus.
16. May mga Pariseong tagapagturo ng Kautusan na naroon. Nang makita nilang kumakain si Jesus kasama ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang mga itinuturing nilang makasalanan, sinabi nila sa mga tagasunod niya, “Bakit kumakain siyang kasama ng mga taong iyan?”
17. Narinig iyon ni Jesus, kaya sinagot niya ang mga ito, “Ang mga taong walang sakit ay hindi nangangailangan ng doktor, kundi ang mga may sakit. Naparito ako hindi upang tawagin ang mga taong matuwid sa kanilang sariling paningin, kundi ang mga makasalanan.”
18. Nang minsang nag-aayuno ang mga tagasunod ni Juan na tagapagbautismo at ang mga Pariseo, lumapit ang ilang mga tao kay Jesus at nagtanong, “Bakit po nag-aayuno ang mga tagasunod ni Juan at ang mga Pariseo pero ang mga tagasunod nʼyo ay hindi?”
19. Sumagot si Jesus, “Maaari bang hindi kumain ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Siyempre, hindi!
20. Ngunit darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal, at saka sila mag-aayuno.”
21. Sinabi pa ni Jesus, “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit, dahil uurong ang bagong tela kapag nilabhan at lalo pang lalaki ang punit.
22. Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, dahil puputok ang sisidlan at matatapon ang alak, at pareho itong hindi na mapapakinabangan. Sa halip, inilalagay ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat.”