9. Kaya tinanong sila ni Pilato, “Gusto ba ninyo na palayain ko ang Hari ng mga Judio?”
10. Alam ni Pilato na pagkainggit ang nagtulak sa mga namamahalang pari na dalhin sa kanya si Jesus.
11. Sinulsulan ng mga namamahalang pari ang mga tao na si Barabas ang hilinging palayain at hindi si Jesus.
12. Nagtanong ulit si Pilato sa mga tao, “Ano ngayon ang gagawin ko sa taong tinatawag nʼyong Hari ng mga Judio?”
13. Sumigaw sila, “Ipako siya sa krus!”
14. Sinabi ni Pilato sa kanila, “Bakit, ano ba ang ginawa niyang kasalanan?” Pero lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!”
15. Dahil gustong pagbigyan ni Pilato ang mga tao, pinalaya niya si Barabas. Ipinahagupit naman niya si Jesus at saka ibinigay sa mga sundalo upang ipako sa krus.
16. Dinala ng mga sundalo si Jesus sa loob ng palasyo ng gobernador at tinipon nila roon ang buong batalyon ng mga sundalo.
17. Sinuotan nila si Jesus ng kapa na kulay ube at gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong sa kanya.
18. Pagkatapos, pakutya silang nagsisigaw, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!”
19. At paulit-ulit nilang pinaghahampas ng tungkod ang kanyang ulo, at pinagduduraan nila siya. Lumuluhod sila sa kanya na kunwari ay sumasamba sa kanya.