63. Nang marinig ito ng punong pari, pinunit niya ang kanyang damit sa galit at sinabi, “Hindi na natin kailangan ng mga saksi!
64. Narinig ninyo ang paglapastangan niya sa Dios. Ano ngayon ang hatol ninyo?” At hinatulan nila si Jesus ng kamatayan.
65. Dinuraan siya ng ilang naroon. Piniringan din siya at sinuntok, at tinanong, “Sige nga, hulaan mo kung sino ang sumuntok sa iyo?” Pagkatapos, kinuha siya ng mga guwardya at pinagbubugbog.
66. Nang si Pedro ay nasa loob pa ng bakuran, dumaan ang isang babaeng utusan ng punong pari.
67. Nang makita niya si Pedro na nagpapainit malapit sa apoy, tinitigan niya ito at sinabi, “Kasama ka rin ni Jesus na taga-Nazaret, hindi ba?”
68. Pero itinanggi ito ni Pedro, “Hindi ko alam ang sinasabi mo.” Pagkatapos, umalis siya roon at pumunta sa may labasan, at noon din ay tumilaok ang manok.
69. Nakita na naman siya roon ng babaeng utusan, kaya sinabi ng babae sa mga taong naroon, “Ang taong iyan ay isa rin sa mga kasamahan ni Jesus.”
70. Pero muling itinanggi ito ni Pedro. Maya-maya, sinabi ng mga taong naroon, “Isa ka nga sa mga kasamahan niya, dahil taga-Galilea ka rin!”
71. Pero sumumpa si Pedro, “Kahit mamatay man ako, hindi ko talaga kilala ang taong sinasabi ninyo.”
72. Noon din ay muling tumilaok ang manok, at naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok ng dalawang beses, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” At humagulgol siya.