48. Sinabi ni Jesus sa mga humuli sa kanya, “Isa ba akong tulisan? Bakit kailangan pa ninyong magdala ng mga espada at mga pamalo para dakpin ako?
49. Araw-araw ay nasa templo ako at nagtuturo, at naroon din kayo. Bakit hindi ninyo ako dinakip? Ngunit kailangang mangyari ito upang matupad ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa akin.”
50. Iniwan siya noon din ng mga tagasunod niya at nagsitakas sila.
51. May isang binata roon na sumunod kay Jesus na nakabalabal lang ng telang linen. Dinakip din siya ng mga sundalo,
52. pero nakawala siya at tumakas nang hubad, dahil nahawakan nila ang kanyang balabal.
53. Dinala nila si Jesus sa bahay ng punong pari. Nagtipon doon ang lahat ng namamahalang pari, mga pinuno ng mga Judio at ang mga tagapagturo ng Kautusan.
54. Sumunod din doon si Pedro, pero malayu-layo siya kay Jesus. Pumasok siya sa bakuran ng bahay ng punong pari at nakiupo sa mga guwardya na nagpapainit sa tabi ng apoy.
55. Doon sa loob, ang mga namamahalang pari at ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio ay nagsisikap na makakuha ng mga ebidensya laban kay Jesus upang mahatulan siya ng kamatayan. Pero wala silang makuha.
56. Marami ang sumasaksi ng kasinungalingan laban kay Jesus, pero magkakasalungat naman ang mga sinasabi nila.
57. May ilang sumasaksi ng kasinungalingang ito laban kay Jesus. Sinabi nila,
58. “Narinig po naming sinabi niya, ‘Gigibain ko ang templong ito na gawa ng tao, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng ibang templo na hindi gawa ng tao!’ ”
59. Pero hindi rin magkakatugma ang sinasabi nila.
60. Tumayo sa gitna ang punong pari at tinanong si Jesus, “Wala ka bang maisasagot sa mga paratang na ito laban sa iyo?”
61. Hindi sumagot si Jesus. Kaya tinanong siyang muli ng punong pari, “Ikaw ba ang Cristo na Anak ng Kapuri-puring Dios?”
62. Sumagot si Jesus, “Ako nga, at ako naAnak ng Tao ay makikita ninyong nakaupo sa kanan ng makapangyarihang Dios. At makikita rin ninyo ako sa mga ulap na paparating dito sa mundo.”
63. Nang marinig ito ng punong pari, pinunit niya ang kanyang damit sa galit at sinabi, “Hindi na natin kailangan ng mga saksi!
64. Narinig ninyo ang paglapastangan niya sa Dios. Ano ngayon ang hatol ninyo?” At hinatulan nila si Jesus ng kamatayan.