Marcos 13:19-34 Ang Salita ng Dios (ASND)

19. Sapagkat sa panahong iyon, makakaranas ang mga tao ng mga paghihirap na hindi pa nararanasan mula nang likhain ng Dios ang mundo hanggang ngayon, at wala nang mangyayari pang ganoon kahit kailan.

20. Kung hindi paiikliin ng Panginoon ang panahong iyon, walang matitirang buhay. Ngunit alang-alang sa kanyang mga pinili, paiikliin niya ang panahong iyon.

21. “Kapag may nagsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala.

22. Sapagkat lilitaw ang mga di tunay na Cristo at mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga himala at kababalaghan upang malinlang, kung maaari, pati ang mga pinili ng Dios.

23. Kaya mag-ingat kayo! Binabalaan ko na kayo habang hindi pa nangyayari ang mga ito.”

24. “Pagkatapos ng mga araw na iyon ng matinding kahirapan, magdidilim ang araw, hindi na magliliwanag ang buwan,

25. at mahuhulog ang mga bituin mula sa langit. Ang mga bagay sa kalawakan ay mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas.

26. At makikita nila ako na Anak ng Tao na dumarating mula sa mga ulap na taglay ang dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian.

27. Ipapadala ko ang aking mga anghel sa lahat ng lugar sa mundo upang tipunin ang aking mga pinili.”

28. “Unawain ninyo ang aral na ito mula sa puno ng igos: Kapag nagkakadahon na ang mga sanga nito, alam ninyong malapit na ang tag-init.

29. Ganoon din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga sinasabi kong ito sa inyo, malalaman ninyong malapit na akong dumating.

30. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, matutupad ang lahat ng ito bago mawala ang henerasyong ito.

31. “Ang langit at ang lupa ay maglalaho, ngunit ang mga salita ko ay mananatili magpakailanman.”

32. “Tungkol sa araw o oras ng aking pagbabalik, walang nakakaalam nito, kahit ang mga anghel sa langit o ako mismo na Anak ng Dios. Ang Ama lang ang nakakaalam nito.

33. Kaya mag-ingat kayo at laging magbantay, dahil hindi ninyo alam kung kailan ako darating.

34. Maaari natin itong ihambing sa isang taong papunta sa malayong lugar. Bago siya umalis ng bahay ay binigyan niya ng kanya-kanyang gawain ang bawat alipin at saka binilinan ang guwardya sa pintuan na maging handa sa kanyang pagdating.

Marcos 13