Marcos 12:6-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. Sa bandang huli, wala na siyang maisugo. Kaya isinugo niya ang pinakamamahal niyang anak. Sapagkat iniisip niyang igagalang nila ang kanyang anak.

7. Pero nang makita ng mga magsasaka ang kanyang anak, sinabi nila, ‘Narito na ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya para mapasaatin na ang lupang mamanahin niya.’

8. Kaya sinunggaban nila ang anak, pinatay at itinapon sa labas ng ubasan.”

9. Pagkatapos, nagtanong si Jesus, “Ano kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Tiyak na pupuntahan niya ang mga magsasaka at papatayin. Pagkatapos, pauupahan niya sa iba ang kanyang ubasan.

10. Hindi nʼyo ba nabasa ang talatang ito sa Kasulatan?‘Ang batong tinanggihan ng mga tagapagtayo ng bahayang siyang naging batong pundasyon.

11. Gawa ito ng Panginoonat kahanga-hanga ito sa atin!’ ”

12. Alam ng mga pinuno ng mga Judio na sila ang pinatatamaan ni Jesus sa talinghaga na iyon. Kaya gusto nilang dakpin si Jesus, pero natatakot sila sa mga tao. Kaya pinabayaan na lang nila si Jesus, at umalis sila.

13. Pinapunta ng mga pinuno ng mga Judio kay Jesus ang ilang Pariseo at ilang tauhan ni Herodes upang subaybayan ang mga sinasabi niya para may maiparatang sila laban sa kanya.

14. Kaya lumapit sila kay Jesus at nagtanong, “Guro, alam po naming totoo ang mga sinasabi nʼyo, at wala kayong pinapaboran. Sapagkat hindi kayo tumitingin sa katayuan ng tao, kundi kung ano ang katotohanan tungkol sa kalooban ng Dios ang siyang itinuturo ninyo. Ngayon, tama po ba na tayong mga Judio ay magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma? Dapat po ba tayong magbayad o hindi?”

15. Pero alam ni Jesus na nagkukunwari sila, kaya sinabi niya, “Bakit ninyo ako sinusubukang hulihin sa tanong na iyan? Magdala nga kayo rito ng pera at titingnan ko.”

16. Dinalhan nga nila ng pera si Jesus. Nagtanong si Jesus, “Kaninong mukha at pangalan ang nakaukit sa pera?” Sumagot sila, “Sa Emperador.”

17. Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Dios ang para sa Dios.” Namangha sila sa kanyang sagot.

18. May mga Saduceo na lumapit kay Jesus at nagtanong. (Ang mga taong ito ay hindi naniniwala sa muling pagkabuhay.)

19. Sinabi nila, “Guro, ayon po sa batas na isinulat ni Moises, kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak sa kanyang asawa, dapat ay pakasalan ng kapatid niyang lalaki ang naiwan niyang asawa, para magkaanak sila para sa kanya.

20. Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak.

21. Kaya ang biyuda ay napangasawa ng ikalawang kapatid. Pero namatay din siya nang wala silang anak. Ganoon din ang nangyari sa ikatlo

22. hanggang sa ikapitong kapatid. Namatay silang lahat nang walang anak sa babae. At sa huli, namatay din ang babae.

Marcos 12