Marcos 12:38-44 Ang Salita ng Dios (ASND)

38. Sinabi pa ni Jesus sa kanyang pagtuturo, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan. Mahilig silang mamasyal na nakasuot ng espesyal na damit. At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa mga mataong lugar.

39. Mahilig silang maupo sa mga upuang pandangal sa mga sambahan at mga handaan.

40. Dinadaya nila ang mga biyuda para makuha ang mga ari-arian ng mga ito, at pinagtatakpan nila ang mga ginagawa nila sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal! Ang mga taong itoʼy tatanggap ng mas mabigat na parusa.”

41. Umupo si Jesus malapit sa pinaglalagyan ng mga kaloob doon sa templo at pinagmamasdan ang mga taong naghuhulog ng pera. Maraming mayayamang naghulog ng malalaking halaga.

42. May lumapit doon na isang mahirap na biyuda at naghulog ng dalawang pirasong barya.

43. Tinawag ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, mas malaki ang ibinigay ng biyudang iyon kaysa sa lahat ng nagbigay.

44. Sapagkat silang lahat ay nagbigay lang ng sumobrang pera nila. Pero ang biyuda ay nagbigay sa kabila ng kanyang kahirapan. Ibinigay niya ang lahat ng kanyang ikinabubuhay.”

Marcos 12