5. tinanong sila ng mga taong nakatayo roon, “Hoy! Ano ang ginagawa ninyo riyan? Bakit ninyo kinakalagan ang asno?”
6. Sinabi nila ang ipinapasabi ni Jesus, kaya pinabayaan na sila ng mga tao.
7. Dinala nila ang asno kay Jesus. Sinapinan nila ng kanilang mga balabal ang likod ng asno at sinakyan ito ni Jesus.
8. Maraming tao ang naglatag ng mga balabal nila sa daan, at ang iba naman ay naglatag ng mga sangang pinutol nila sa bukid.
9. Ang mga nauuna kay Jesus at ang mga sumusunod sa kanya ay sumisigaw, “Purihin ang Dios! Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!
10. Pagpalain nawa ng Dios ang dumarating na kaharian ng ninuno nating si David. Purihin natin ang Dios!”
11. Pagdating ni Jesus sa Jerusalem, pumunta siya sa templo. Pinagmasdan niyang mabuti ang lahat ng bagay doon. At dahil sa gumagabi na, pumunta siya sa Betania kasama ang kanyang 12 apostol.
12. Kinabukasan, nang umalis sila sa Betania pabalik sa Jerusalem, nagutom si Jesus.
13. May nakita siyang isang madahong puno ng igos. Kaya nilapitan niya ito at tiningnan kung may bunga. Pero wala siyang nakita kundi mga dahon, dahil hindi pa panahon ng mga igos noon.
14. Sinabi ni Jesus sa puno, “Mula ngayon, wala nang makakakain ng bunga mo.” Narinig iyon ng mga tagasunod niya.
15. Pagdating nila sa Jerusalem, pumasok si Jesus sa templo at itinaboy niya ang mga nagtitinda at namimili roon. Itinaob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapating inihahandog sa templo.
16. Pinagbawalan niya ang mga taong may paninda na dumaan sa templo.