16. Pinagbawalan niya ang mga taong may paninda na dumaan sa templo.
17. Pagkatapos, pinangaralan niya ang mga tao roon. Sinabi niya, “Hindi baʼt sinasabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Ang aking bahay ay magiging bahay-panalanginan ng lahat ng bansa’? Ngunit ginawa ninyong pugad ng mga tulisan.”
18. Nabalitaan ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan ang ginawa ni Jesus. Kaya humanap sila ng paraan upang mapatay siya. Pero natatakot sila sa kanya dahil hangang-hanga ang mga tao sa kanyang mga turo.
19. Kinagabihan, umalis si Jesus sa Jerusalem kasama ang mga tagasunod niya.
20. Kinaumagahan, nang pabalik na silang muli sa Jerusalem, nadaanan nila ang puno ng igos at nakita nilang tuyong-tuyo na ito hanggang sa ugat.
21. Naalala ni Pedro ang nangyari. Kaya sinabi niya, “Guro, tingnan nʼyo po ang puno ng igos na isinumpa ninyo. Natuyo na!”
22. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumampalataya kayo sa Dios!
23. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung may pananampalataya kayo, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Lumipat ka sa dagat!’ At kung hindi kayo nag-aalinlangan kundi nananampalatayang mangyayari iyon, mangyayari nga ang sinabi ninyo.
24. Kaya tandaan ninyo: anuman ang hilingin ninyo sa Dios sa panalangin, manampalataya kayong natanggap na ninyo ito, at matatanggap nga ninyo.
25. At kapag nananalangin kayo, patawarin nʼyo muna ang mga nagkasala sa inyo para ang mga kasalanan ninyo ay patawarin din ng inyong Amang nasa langit.
26. [Sapagkat kung ayaw ninyong magpatawad, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Amang nasa langit.]”
27. Pagdating nila sa Jerusalem, bumalik si Jesus sa templo. At habang naglalakad siya roon, lumapit sa kanya ang mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at mga pinuno ng mga Judio.
28. Tinanong nila si Jesus, “Ano ang awtoridad mo na gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na iyan?”