Marcos 11:13-18 Ang Salita ng Dios (ASND)

13. May nakita siyang isang madahong puno ng igos. Kaya nilapitan niya ito at tiningnan kung may bunga. Pero wala siyang nakita kundi mga dahon, dahil hindi pa panahon ng mga igos noon.

14. Sinabi ni Jesus sa puno, “Mula ngayon, wala nang makakakain ng bunga mo.” Narinig iyon ng mga tagasunod niya.

15. Pagdating nila sa Jerusalem, pumasok si Jesus sa templo at itinaboy niya ang mga nagtitinda at namimili roon. Itinaob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapating inihahandog sa templo.

16. Pinagbawalan niya ang mga taong may paninda na dumaan sa templo.

17. Pagkatapos, pinangaralan niya ang mga tao roon. Sinabi niya, “Hindi baʼt sinasabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Ang aking bahay ay magiging bahay-panalanginan ng lahat ng bansa’? Ngunit ginawa ninyong pugad ng mga tulisan.”

18. Nabalitaan ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan ang ginawa ni Jesus. Kaya humanap sila ng paraan upang mapatay siya. Pero natatakot sila sa kanya dahil hangang-hanga ang mga tao sa kanyang mga turo.

Marcos 11