14. Nang makita ni Jesus ang nangyari, nagalit siya at sinabi sa mga tagasunod niya, “Hayaan nʼyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag nʼyo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ay kabilang sa kaharian ng Dios.
15. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Dios na gaya ng pagtanggap ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios.”
16. Pagkatapos, kinalong niya ang mga bata, ipinatong ang kanyang kamay sa kanila at pinagpala.
17. Nang paalis na si Jesus, isang lalaki ang patakbong lumapit sa kanya at lumuhod. Nagtanong ang lalaki, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin para magkaroon ng buhay na walang hanggan?”
18. Sumagot si Jesus, “Bakit mo sinasabing mabuti ako? Ang Dios lang ang mabuti, wala nang iba!
19. Tungkol sa tanong mo, alam mo ang sinasabi ng Kautusan: ‘Huwag kang papatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi ng kasinungalingan, huwag kang mandadaya, at igalang mo ang iyong ama at ina.’ ”
20. Sumagot ang lalaki, “Guro, sinusunod ko po ang lahat ng iyan mula pagkabata.”
21. Tiningnan siya ni Jesus nang may pagmamahal at sinabi, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Umuwi ka at ipagbili ang mga ari-arian mo, at ipamigay mo ang pera sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.”
22. Nalungkot ang lalaki nang marinig ito. At umalis siyang malungkot, dahil napakayaman niya.
23. Tumingin si Jesus sa paligid at sinabi sa mga tagasunod niya, “Napakahirap para sa mayayaman ang mapabilang sa kaharian ng Dios.”
24. Nagtaka sila sa sinabi ni Jesus, kaya sinabi niya, “Mga anak, napakahirap talagang mapabilang sa kaharian ng Dios.
25. Mas madali pang makapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa mapabilang ang isang mayaman sa kaharian ng Dios.”
26. Lalong nagtaka ang mga tagasunod niya, kaya nagtanong sila, “Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?”
27. Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Imposible ito sa tao pero hindi sa Dios, dahil ang lahat ay posible sa Dios.”