Marcos 1:9-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

9. Sa panahong iyon, dumating si Jesus mula sa Nazaret na sakop ng Galilea at nagpabautismo kay Juan sa Ilog ng Jordan.

10. Pagkaahon ni Jesus sa tubig, nakita niyang bumukas ang langit at bumaba sa kanya ang Banal na Espiritu tulad ng isang kalapati.

11. At may boses na narinig mula sa langit na nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong Anak, na lubos kong kinalulugdan.”

12. At noon din ay pinapunta siya ng Banal na Espiritu sa ilang.

13. Nanatili siya roon ng 40 araw na tinutukso ni Satanas. May mababangis na hayop doon, pero tinulungan si Jesus ng mga anghel.

14. Nang mabilanggo si Juan na tagapagbautismo, pumunta si Jesus sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balita na mula sa Dios.

15. Sinabi niya, “Dumating na ang takdang panahon! Malapit na ang paghahari ng Dios. Pagsisihan na ninyo ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Magandang Balita!”

16. Isang araw, habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na mangingisdang sina Simon at Andres. Naghahagis sila ng lambat.

17. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao.”

18. Iniwan nila agad ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.

19. Nagpatuloy si Jesus sa paglalakad, at sa di-kalayuan ay nakita naman niya ang dalawang anak ni Zebedee na sina Santiago at Juan na nag-aayos ng kanilang lambat sa bangka nila.

20. Agad silang tinawag ni Jesus. Iniwan nila sa bangka ang ama nilang si Zebedee at ang mga tauhan nila, at sumunod kay Jesus.

21. Pumunta sina Jesus sa Capernaum. Nang dumating ang Araw ng Pamamahinga, pumunta sila sa sambahan ng mga Judio at doon ay nangaral si Jesus.

22. Namangha ang mga tao sa mga aral niya, dahil nangangaral siya nang may awtoridad, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.

Marcos 1