Marcos 1:37-45 Ang Salita ng Dios (ASND)

4-5. At natupad ito noong dumating si Juan na tagapagbautismo roon sa ilang. Napakaraming tao ang pumunta sa kanya galing sa Jerusalem at sa buong lalawigan ng Judea. Nangaral si Juan sa mga tao, “Magsisi kayo at talikdan ang inyong mga kasalanan; magpabautismo kayo para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan.” Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at binautismuhan sila ni Juan sa Ilog ng Jordan.

37. Nang matagpuan nila si Jesus, sinabi nila, “Hinahanap po kayo ng lahat.”

38. Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Pumunta naman tayo sa mga kalapit-bayan, para makapangaral din ako roon, dahil ito ang dahilan kung bakit ako naparito sa mundo.”

39. Kaya nilibot ni Jesus ang buong Galilea at nangaral siya sa mga sambahan ng mga Judio at nagpalayas ng masasamang espiritu sa mga taong sinaniban ng mga ito.

40. Lumapit kay Jesus ang isang lalaking may malubhang sakit sa balat. Lumuhod ito sa harap niya at nagmakaawang pagalingin siya. Sinabi niya, “Kung gusto nʼyo po, mapapagaling nʼyo ako upang maituring akong malinis.”

41. Naawa si Jesus sa kanya. Kaya hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Gusto ko. Luminis ka!”

42. Gumaling agad ang sakit niya, at siya ay luminis.

43-44. Pinaalis siya agad ni Jesus at binilinan, “Huwag mo itong ipagsasabi kahit kanino. Sa halip, pumunta ka sa pari at magpasuri. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay na malinis ka na.”

45. Pero pagkaalis niya, ipinamalita niya ang nangyari sa kanya. Kaya kumalat ang balitang ito hanggang sa hindi na lantarang makapasok si Jesus sa mga bayan dahil pinagkakaguluhan siya ng mga tao. Kaya roon na lang siya nanatili sa mga ilang. Pero pumupunta pa rin doon ang mga tao mula sa ibaʼt ibang lugar.

Marcos 1