Marcos 1:25-32 Ang Salita ng Dios (ASND)

25. Pero sinaway ni Jesus ang masamang espiritu, “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!”

26. Pinangisay ng masamang espiritu ang tao, at sumigaw siya habang lumalabas.

27. Namangha ang lahat ng naroon, at sinabi nila sa isaʼt isa, “Ano ito? Isang bagong aral na may kapangyarihan! Pati ang masasamang espiritu ay nauutusan niya at sumusunod sila!”

28. At mabilis na kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong Galilea.

29. Mula sa sambahan ng mga Judio, pumunta sina Jesus sa bahay nina Simon at Andres. Kasama pa rin nila sina Santiago at Juan.

30. Nakahiga noon ang biyenang babae ni Simon dahil nilalagnat. Sinabi agad nila ito kay Jesus.

31. Nilapitan ni Jesus ang may sakit, hinawakan ang kamay nito at ibinangon. Biglang nawala ang lagnat ng babae, at pinagsilbihan niya sina Jesus.

32. Pagkalubog ng araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng may sakit at ang mga sinasaniban ng masamang espiritu.

Marcos 1