1. Walang katulad ang taong marunong na kayang magpaliwanag ng mga bagay. Ang karunungan ng taoʼy nakapagpapasaya ng mukha, at ang simangot ay nawawala.
2. Sundin mo ang utos ng hari, dahil ipinangako mo sa Dios na gagawin mo ito.
3. Huwag mong pababayaan ang tungkulin mo sa hari, at huwag kang sasama sa mga nagpaplano ng masama laban sa kanya, dahil kayang gawin ng hari ang anumang gustuhin niya.
4. Makapangyarihan ang utos ng hari at walang makakatutol dito.
5. Ang sinumang sumusunod sa kanyang utos ay hindi mapapahamak. Alam ng taong marunong kung kailan at kung paano gagawin ang isang bagay.
6. Dahil ang bawat bagay ay may kanya-kanyang tamang oras at pamamaraan ng paggawa gaano man kabigat ang kinakaharap ng tao.
7. Dahil walang sinuman ang nakakaalam ng hinaharap, walang makapagsasabi kung ano ang mangyayari.
8. Kung paanong hindi mapipigilan ng tao ang hangin, hindi rin niya mapipigilan ang kanyang kamatayan. Tulad sa isang labanan, hindi siya makakaatras. At ang kasamaan niyaʼy hindi makapagliligtas sa kanya sa kamatayan.
9. Pinagmasdan ko ang mga bagay na nangyayari rito sa mundo, nakita kong ang mga tao ay may kakayahang saktan ang isaʼt isa.
10. Nakita ko ring ibinuburol ang masasama. Sila ang laging pumapasok sa banal na lungsod ng Jerusalem at doon gumagawa ng kasamaan. At pinupuri pa sila ng mga taong taga-roon mismo sa lugar na ginagawan nila ng kasamaan. Wala itong kabuluhan.
11. Kapag ang taong nagkasalaʼy hindi agad pinarusahan, naiisip din ng iba na gumawa ng kasalanan.