Mangangaral 7:15-26 Ang Salita ng Dios (ASND)

15. Sa buhay kong walang saysay, nakita ko ang lahat ng bagay. Ang matuwid ay maagang namamatay sa kabila ng kanilang matuwid na pamumuhay, at ang mga masasama sa kabila ng kanilang kasamaan ay nabubuhay nang matagal.

16. Huwag mong ituring ang iyong sarili na sobrang matuwid at marunong, dahil kung gagawin mo iyon, sinisira mo lang ang iyong sarili.

17. At huwag ka rin namang magpakasama o magpakamangmang, dahil baka mamatay ka naman nang wala sa oras.

18. Huwag kang pasobra sa mga bagay na iyon; dapat balanse lang, dahil ang taong may takot sa Dios ay hindi nagpapasobra sa anumang bagay.

19. Higit na malaki ang magagawa ng karunungan sa isang tao, kaysa sa sampung pinuno ng isang bayan.

20. Wala ni isang tao rito sa mundo ang laging gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.

21. Huwag mong pakikinggan ang lahat ng sinasabi ng tao at baka mismong alipin mo ang marinig mong nagsasalita laban sa iyo.

22. Dahil alam mo sa sarili mo na marami ka ring pinagsalitaan ng masama.

23. Sinubukan kong intindihin ang lahat ng nangyayari rito sa mundo sa pamamagitan ng aking karunungan. Akala koʼy maiintindihan ko pero hindi pala.

24. Hindi ko kayang intindihin ang mga nangyayari dahil mahirap talagang maintindihan. At walang sinuman ang makakaintindi nito.

25. Pero patuloy akong nag-aral at nag-usisa, para makamit ko ang karunungan at masagot ang aking mga katanungan, at para malaman ko kung gaano kahangal ang taong gumagawa ng masama at kung gaano kasama ang isipan ng taong gumagawa ng kahangalan.

26. Napag-alaman kong ang babaeng nanunukso ay mas mapait kaysa sa kamatayan. Ang pag-ibig niyaʼy parang bitag, at ang mga kamay niya na yumayakap sa iyo ay parang kadena. Ang taong nakalulugod sa Dios ay makakatakas sa kanya, pero ang taong masama ay mabibitag niya.

Mangangaral 7