Mangangaral 7:13-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

13. Pag-isipan mo ang ginawa ng Dios. Sino ang makapagtutuwid ng kanyang binaluktot?

14. Magalak ka kung mabuti ang kalagayan mo. Pero kung naghihirap ka, isipin mong ang Dios ang gumawa sa dalawang bagay na ito. Para hindi natin malaman kung ano ang mangyayari sa araw ng bukas.

15. Sa buhay kong walang saysay, nakita ko ang lahat ng bagay. Ang matuwid ay maagang namamatay sa kabila ng kanilang matuwid na pamumuhay, at ang mga masasama sa kabila ng kanilang kasamaan ay nabubuhay nang matagal.

16. Huwag mong ituring ang iyong sarili na sobrang matuwid at marunong, dahil kung gagawin mo iyon, sinisira mo lang ang iyong sarili.

17. At huwag ka rin namang magpakasama o magpakamangmang, dahil baka mamatay ka naman nang wala sa oras.

18. Huwag kang pasobra sa mga bagay na iyon; dapat balanse lang, dahil ang taong may takot sa Dios ay hindi nagpapasobra sa anumang bagay.

19. Higit na malaki ang magagawa ng karunungan sa isang tao, kaysa sa sampung pinuno ng isang bayan.

20. Wala ni isang tao rito sa mundo ang laging gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.

21. Huwag mong pakikinggan ang lahat ng sinasabi ng tao at baka mismong alipin mo ang marinig mong nagsasalita laban sa iyo.

22. Dahil alam mo sa sarili mo na marami ka ring pinagsalitaan ng masama.

Mangangaral 7