12. Naisip ko na walang pinakamabuting gawin ang tao kundi magsaya at gumawa ng mabuti habang nabubuhay.
13. Gusto ng Dios na kumain tayo, uminom at magpakasaya sa mga pinaghirapan natin dahil ang mga bagay na itoʼy regalo niya sa atin.
14. Alam kong ang lahat ng ginagawa ng Dios ay magpapatuloy magpakailanman at wala tayong maaaring idagdag o ibawas dito. Ginagawa ito ng Dios para magkaroon tayo ng paggalang sa kanya.
15. Ang mga nangyayari ngayon at ang mga mangyayari pa lang ay nangyari na noon. Inuulit lang ng Dios ang mga pangyayari.
16. Nakita ko rin na ang kasamaan ang naghahari rito sa mundo sa halip na katarungan at katuwiran.
17. Sinabi ko sa sarili ko, “Hahatulan ng Dios ang matutuwid at masasamang tao, dahil may itinakda siyang oras sa lahat ng bagay.
18. Sinusubok ng Dios ang mga tao para ipakita sa kanila na tulad sila ng mga hayop.
19. Ang kapalaran ng tao ay tulad ng sa hayop; pareho silang mamamatay. Pareho silang may hininga, kaya walang inilamang ang tao sa hayop. Talagang walang kabuluhan ang lahat!
20. Iisa lang ang patutunguhan ng lahat. Lahat ay nagmula sa lupa at sa lupa rin babalik.
21. Sino ang nakakaalam kung ang espiritu ng taoʼy umaakyat sa itaas at ang espiritu ng hayop ay bumababa sa ilalim ng lupa?”
22. Kaya naisip ko na ang pinakamabuting gawin ng tao ay magpakasaya sa pinaghirapan niya, dahil para sa kanya iyon. Walang sinumang makapagsasabi sa kanya kung ano ang mangyayari kapag siya ay namatay.