1. Ito ang sinabi ng mangangaral na anak ni David na hari ng Jerusalem:
2. Walang kabuluhan! Walang kabuluhan ang lahat!
3. Ano ang pakinabang ng tao sa pagpapakahirap niyang magtrabaho sa mundong ito?
4. Lumilipas ang isang henerasyon at napapalitan, pero ang mundo ay hindi nagbabago.
5. Sumisikat ang araw at pagkatapos ay lumulubog; pabalik-balik lang sa kanyang pinanggalingan.
6. Umiihip ang hangin sa timog at pagkatapos ay iihip naman sa hilaga. Paikot-ikot lang ito at pabalik-balik.
7. Lahat ng ilog ay umaagos sa dagat, pero hindi naman napupuno ang dagat kahit na patuloy ang pag-agos ng ilog.
8. Ang lahat ng itoʼy nakakabagot at ayaw na ngang pag-usapan. Hindi nagsasawa ang mga mata natin sa katitingin at ang mga tainga natin sa pakikinig.
9. Ang mga nangyari noon, nangyayari ulit ngayon. Ang mga ginawa noon, ginagawa ulit ngayon. Walang nangyayaring bago sa mundo.