4. Sa ganoon, muling malulugod ang Panginoon sa mga handog ng mga taga-Juda at taga-Jerusalem, gaya ng dati.
5. Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan sa mga Israelita, “Darating ako upang hatulan kayo. Sasaksi agad ako laban sa mga mangkukulam, sa mga nangangalunya, sa mga sinungaling na saksi, sa mga nandaraya sa sahod ng kanilang mga manggagawa, sa mga nanggigipit sa mga biyuda at mga ulila, at sa mga hindi makatarungan sa mga dayuhan. Gagawin ko ito sa inyo na mga walang takot sa akin.”
6. Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Ako, ang Panginoon, ay hindi nagbabago. Kaya nga kayong mga lahi ni Jacob ay hindi lubusang nalipol.
7. Tulad ng inyong mga ninuno, hindi kayo sumunod sa aking mga tuntunin. Manumbalik kayo sa akin, ang Panginoong Makapangyarihan, at babalik ako sa inyo. Pero itinatanong ninyo, ‘Paano kami manunumbalik sa inyo?’
8. Magtatanong din ako sa inyo, maaari bang nakawan ng tao ang Dios? Parang imposible. Pero ninanakawan ninyo ako. At itinatanong inyo, ‘Paano namin kayo ninanakawan?’ Ninanakawan ninyo ako dahil hindi ninyo ibinibigay ang inyong mga ikapu at mga handog.
9. Iyan ang dahilan kung bakit ko isinumpa ang buong bansa.
10. Pero ngayon, hinahamon ko kayo na subukan ninyo ako, ang Panginoong Makapangyarihan. Dalhin ninyo nang buo ang inyong mga ikapu sa bodega ng templo upang may pagkain sa aking templo. Kapag ginawa ninyo ito, padadalhan ko kayo ng ulan at ibubuhos ko ang sobra-sobrang pagpapala.
11. Hindi ko papayagang sirain ng peste ang inyong mga pananim o malagas ang bunga ng inyong mga ubas.
12. Tatawagin kayong mapalad ng lahat ng bansa, dahil napakabuting tirhan ang inyong lupain. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”
13. Sinabi pa ng Panginoon, “Masasakit ang inyong sinabi tungkol sa akin. Pero itinatanong ninyo, ‘Ano ang sinabi naming masakit tungkol sa inyo?’
14. Hindi baʼt sinabi ninyo, ‘Walang kabuluhan ang maglingkod sa Dios. Ano ba ang mapapala natin kung susundin natin ang kanyang mga utos? At ano ang mapapala natin kung ipapakita natin sa Dios na nalulungkot tayo at nagsisisi sa ating mga kasalanan?