Lucas 8:13-26 Ang Salita ng Dios (ASND)

13. Ang mabatong lugar, kung saan nahulog ang ibang binhi ay ang mga taong nakinig ng salita ng Dios at masaya itong tinanggap. Ngunit hindi taimtim sa puso nila ang pagtanggap, kaya hindi tumagal ang kanilang pananampalataya. Pagdating ng mga pagsubok ay agad silang tumatalikod sa kanilang pananampalataya.

14. Ang lupang may matitinik na damo, kung saan nahulog ang iba pang binhi ay ang mga taong nakinig ng salita ng Dios. Ngunit sa katagalan, nadaig sila ng mga alalahanin sa buhay, kayamanan at kalayawan sa mundong ito. Kaya hindi sila lumago at hindi namunga.

15. Ngunit ang mabuting lupang hinasikan ng binhi ay ang mga taong nakikinig sa salita ng Dios, at iniingatan ito sa kanilang malinis at tapat na puso, at pinagsisikapang sundin hanggang sa silaʼy mamunga.”

16. Sinabi pa ni Jesus, “Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tatakpan ng palayok o ilalagay sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay ang ilaw sa patungan para magbigay-liwanag sa lahat ng pumapasok sa bahay.

17. Ganoon din naman, walang natatagong hindi mahahayag at walang lihim na hindi malalaman at mabubunyag.

18. “Kaya makinig kayong mabuti sa sinasabi ko, dahil ang taong sumusunod sa narinig niyang katotohanan ay bibigyan pa ng pang-unawa. Ngunit ang taong hindi sumusunod sa katotohanan, kahit ang inaakala niyang nauunawaan niya ay kukunin pa sa kanya.”

19. Ngayon, pinuntahan si Jesus ng kanyang ina at mga kapatid, pero hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao.

20. Kaya may nagsabi kay Jesus, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid, at gusto kayong makita.”

21. Sumagot si Jesus, “Ang mga nakikinig at sumusunod sa salita ng Dios ang siya kong ina at mga kapatid.”

22. Isang araw, sumakay ng bangka si Jesus kasama ang mga tagasunod niya. Sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabila ng lawa.” At ganoon nga ang ginawa nila.

23. Nang naglalayag na sila, nakatulog si Jesus. Maya-mayaʼy lumakas ang hangin at pinasok ng maraming tubig ang bangka nila, kaya nalagay sila sa panganib.

24. Nilapitan si Jesus ng mga tagasunod niya at ginising, “Guro! Guro! Lulubog na tayo!” Bumangon si Jesus at pinatigil ang malakas na hangin at ang malalaking alon. Tumigil ang mga ito at biglang kumalma ang panahon.

25. Pagkatapos, tinanong ni Jesus ang mga tagasunod niya, “Nasaan ang pananampalataya ninyo?” Namangha sila at natakot, at nag-usap-usap, “Sino kaya ito? Kahit ang hangin at ang alon ay inuutusan niya, at sinusunod siya!”

26. Nagpatuloy sila sa paglalayag hanggang sa makarating sila sa lupain ng mga Geraseno na katapat ng Galilea.

Lucas 8