Lucas 8:1-14 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Pagkatapos, nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon ng Galilea. Nangaral siya ng Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios. Kasama niya ang 12 apostol

2. at ilang babaeng pinagaling niya sa sakit o pinalaya sa masasamang espiritu. Kabilang dito si Maria na taga-Magdala na pinalaya niya mula sa pitong masasamang espiritu,

3. si Juana na asawa ni Cuza na katiwala ni Herodes, si Susana, at marami pang iba. Ang mga babaeng ito ay tumutulong sa mga pangangailangan nina Jesus mula sa mga ari-arian nila.

4. Isang araw, nagdatingan ang maraming tao mula sa ibaʼt ibang bayan at lumapit kay Jesus. Ikinuwento niya sa kanila ang talinghaga na ito:

5. “May isang magsasakang naghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, may mga binhing nahulog sa tabi ng daan, natapakan ito ng mga dumadaan at tinuka ng mga ibon.

6. May mga binhi namang nahulog sa mabatong lugar. Tumubo ang mga ito, pero madaling nalanta dahil sa kawalan ng tubig.

7. May mga binhi namang nahulog sa lupang may matitinik na damo. Sabay na tumubo ang mga binhi at mga damo, pero sa bandang huli ay natakpan ng mga damo ang mga tumubong binhi.

8. Ang iba namaʼy nahulog sa mabuting lupa. Tumubo ang mga ito at namunga nang napakarami.” Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan!”

9. Tinanong si Jesus ng mga tagasunod niya kung ano ang kahulugan ng talinghaga na iyon.

10. Sumagot si Jesus, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Dios, ngunit sa ibaʼy ipinapahayag ito sa pamamagitan ng talinghaga, upang ‘tumingin man silaʼy hindi makakita, at makinig man silaʼy hindi makaunawa.’ ”

11. Isinalaysay ni Jesus kung ano ang kahulugan ng talinghaga na iyon: “Ang binhi ay ang salita ng Dios.

12. Ang tabi ng daan, kung saan nahulog ang ilang binhi ay ang mga taong nakinig ng salita ng Dios, ngunit dumating ang diyablo at kinuha iyon sa mga puso nila upang hindi sila sumampalataya at maligtas.

13. Ang mabatong lugar, kung saan nahulog ang ibang binhi ay ang mga taong nakinig ng salita ng Dios at masaya itong tinanggap. Ngunit hindi taimtim sa puso nila ang pagtanggap, kaya hindi tumagal ang kanilang pananampalataya. Pagdating ng mga pagsubok ay agad silang tumatalikod sa kanilang pananampalataya.

14. Ang lupang may matitinik na damo, kung saan nahulog ang iba pang binhi ay ang mga taong nakinig ng salita ng Dios. Ngunit sa katagalan, nadaig sila ng mga alalahanin sa buhay, kayamanan at kalayawan sa mundong ito. Kaya hindi sila lumago at hindi namunga.

Lucas 8